Kilala ang Atok, Benguet bilang isang lupaing agrikultural na pinagtatamnan ng palay, mga gulay at pampalamuting mga bulaklak. Bukod dito ay mayaman din sa kasaysayan ang munisipalidad ng Atok pagdating sa mga pangyayari noong ikalawang digmaang pandaigdig at nasangkot din ang ilan sa mga pook dito sa mga bantog na pangyayari sa bansa. Halimbawa nalang ang Guerilla Saddle sa Caliking, Atok kung saan nagtulungan ang mga hukbo ng Pilipinas at USA upang labanan ang mga Hapon. Marami din ang mga nakamamanghang pook-pasyalan sa malamig na munisipalidad ng Atok, ngunit may ilang mga bahaging kailangang mabigyan ng lalo pang pansin. Marami pa ang maaaring puntahan maliban sa mga madalas na pook pasyalang nakalista kung ang binabalak na puntahan ay ang malawak na lupain sa Atok, Benguet.

Philippine Highway – Second highest point 
Mapunong kapaligiran 
Halsema highway 
Animnapung kilometrong layo sa ingay ng lungsod ng Baguio, ang Barangay Cattubo ay gaya din ng iba pang mga barangay sa Atok. Kung manggagaling sa syudad ng Baguio ay maaaring marating ang Cattubo sa pamamagitan ng pampublikong transportasyon at maaari iyong masakyan sa Dangwa Terminal o sa Slaughterhouse Terminal (Sto. Niño Barangay). Maaari ding gumamit ng sariling sasakyan na mas mainam para sa pagdayong nakalaan sa paglilibang. Alinman ang gagamitin ay dadaan ang sasakyan sa Halsema highway na kung saan ay marami nang masisilayang mga tanawin. Ang ilan sa mga ito ay ang Halsema half-tunnel at ang pinakamataas na bahagi ng Philippine Highway System na mas kilala bilang Philippine Pali.
Karamihan sa mga makikita ay ang mga pananim ng mga mamamayan dito: mga gulay na ikinakalakal gaya ng repolyo, labanos at patatas, ngunit marami din ang nagtatanim ng mga bulaklak (karamihan ay mga Peruvian lily, Benguet lily at Agapanthus) at mga cactus upang ibenta sa palengke. Kung wala man ang mga ito ay hindi maikakailang magaganda parin ang kapaligiran dahil napapangibabawan parin ng katahimikan at ng kalikasan ang kahit anong mararating sa pook. Depende sa panahong mapaparoon ang manlalakbay ay maaaring masalubong ang puting-puting hamog na bumabalot sa mga bundok sa parating malamig na panahon, o ang maaliwalas na kapaligirang nagbibigay-daan sa mga terasa at libis.
Kailangan lamang tandaang maginaw ang klima sa panig na ito ng munisipalidad. Sa katunayan ay bumaba na sa 4° Celsius ang temperatura sa mga karatig nitong mga lugar, ngunit hindi maitatangging maari paring ganito ang pangyayari sa Cattubo. Sa kabila ng napakababang temperatura ay masikap padin ang mga taong naninirahan sa bulubunduking barangay. Kung sisipatin ay simple lamang ang pamumuhay ng mga mamamayan ngunit marami itong magandang idinudulot sa mga tao at sa kapaligiran. Isa na sa mga ito ang pamumuhay ng may integridad at pagkakawanggawa, at mapapansing mayroong malalim na ugnayan sa mga taga-Cattubo.
Isa sa maaaring mapansin sa ugnayang tinutukoy ay ang madali at magaang pag-uusap ng mga lokal, marahil dahil nakahirati na sila sa kanilang wika. Sa kahit anong aktibidad ay sanay ang bawat isa sa pakikipag-usap sa kanilang dalawang pangunahing etnolek, ang Ibaloi at Kankanaey, walang pag-aalinlangan at hirap sa pagsasalita na nakikita sa syudad kaya naman ay naiiwasan ang hindi pagkakaintindihan. Malaki ang pagpapahalaga ng mga lokal sa layuning maging bahagi at makaintindi ang bawat isa sa pakikipagtalastasan, at may respeto ang bawat isa sa pagkakataon ng bawat tagapagsalita at tagapakinig.
Maoobserbahan ding walang pagkakataong makuyad ang kilos ninuman sa pang-araw-araw na pamumuhay. Hindi makikita sa mga taga-roon ang nakalantutay na pamumuhay, ngunit hindi ibig sabihing walang panahon ang mga tao para sa pamilya o sa mga bumibisita. Sa kabila ng mga gawain ay hindi mapapabayaan ang isang indibidwal sa kanyang mga pangangailangan dahil mapagmasid ang mga makakasalamuha. Sa katunayan ay tinutulungan nila ang maski sinong may kinakailangan. Batid ng mga mamamayan ang hirap ng paghahanap ng matutuluyan, makakain o masasakyan kaya naman ay nakahanda ang bawat isang maghandog ng tahanan o daan. Madalas ay papatnubayan ang mga baguhan sa mga kailangan nilang gawin. Madali lamang humingi ng tulong at sumangguni dahil karamihan sa mga naroon ay pamilyar na sa kalakhan ng lugar at modelo at pag-iral ng mga pangyayari.
Karamihan sa mga lokal ay mga Katoliko at sentral na sa kanilang pamumuhay na ginagabayan ng prinsipyo at moral ng Kristiyanismo. Matatagpuang ang pinakamahalagang birtud sa kanila ay ang kahinahunan at pagkakawanggawa. Kahambing ng pagpapahalagang ito ay ang malalim paring paniniwala sa mga tradisyunal na mga paniniwala na tanyag parin bilang isang maka-Pilipinong kaugalian. Ang parehong paniniwalang espirituwal at kultural ay sumasanhi sa kakayanan nilang makibagay sa kasalukuyang lumalawak na etnisidad ng mga dumarayo. Ngunit sila ay masunurin parin sa nakapirming mga kultura gaya ng mga kanyaw at handa na malugod naman nilang inihahandog.
Hindi nahuhuli ang mga mamamayan sa pagbabago ng panahon, at sa pagbabagong ito maipapakita ang kanilang katatagan. Nababatid nila ang pag-usad ng mundo at may kamalayan silang maaaring sasalungat ito sa kanila. Hindi naman ito sumasagabal sa alinmang alok ng mga mamamayan at ng pook. Kanilang napapayabong ang lokalidad sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kalakal at turismo ayon sa habol ng mga nakapalibot na lugar at mga dayuhan. Dahil sa pagiging bukas ng mga mamamayan sa sosyolohikal at teknolohikal na pagbabago ay naidagdag sa mga pantawag-pansin ang mga bagong hardin. Ang pandaigdigang pagbabago ng klima ay nagdulot ng pakikibagay ng mga nagtatanim, at kabilang na din dito ang pagbunsod ng kalakal ng mga bulaklak. Lahat ng ito ay karagdagang dahilang kapaki-pakinabang ang paglakbay sa Cattubo.
Mariin lamang na ipagpapaalala sa mga manlalakbay na maging handa sa anumang pangyayari habang naglalakbay patungo at maninirahan sa Cattubo. May mga bahagi, lalo na sa mga mataas na dako ng mga bulubundukin, na kinakailangang dalhin ang lahat ng mga mahalagang bagay dahil malalayo ang mga kalsada at lalong malalayo ang mga pamilihan. Madalas ipagbilin ang pagdadala ng tubig at pampanandaliang pagkain saanman magpunta, at kung maaari ay mapagpapalitang damit. Hindi naman inirerekomenda ang mabigat na mga dala dahil sa mga tatahaking topograpiya at mahirap din kumilos sa makapal na susuoting damit. Gaya ng iba ding matataas na lugar ay hindi garantisado ang mabilis na serbisyong telekomunikasyon ngunit halos lahat naman ng mga pook ay ngayon nang naaabot nito.
Gayunpaman ay masisiyahan ang hahantong sa lupain ng Cattubo. Maaaring puntahan ang mga kagubatan at ilan sa mga taniman, at matutuklasang hindi madali ang mapagod kahit na malayo pa ang mararating. Mayroong mga tahimik at taimtim na mga lugar kung saan maaaring magnilay-nilay o magdasal nang walang distorbo. Marami ding mga bukal at iba pang anyong tubig kung saan maaaring sariwain ang inumin o katawan, pribadong-pribado kung saan walang ligalig ang iintindihin. Hindi suliranin ang oras ng paglalakbay sa Cattubo, dahil may sariling bighani ang bawat oras na lilipas sa pook. Sa umaga ay mapapanood ang paglusaw ng hamog sa sikat ng araw ngunit ang kalalabasan nito ay ang nakakamanghang epekto sa ilaw. Sa tanghali ay maaliwalas ang kapaligiran na hindi sinisira ng init ng araw. Ang hapon ay perpektong oras sa pagkukuha ng litrato sa mga luntiang tanawin.
Walang kapintasan ang lugar para sa mga naghahanap ng tahimik na malalakbay. Ang maaaring matutunan sa pagsadya sa Cattubo ay ang maaaring makamit na kapayapaang-loob at kasiyahan sa hindi malubhang pamumuhay. Sa Cattubo mapapatunayang maaari paring maging matibay ang kultura, relasyon at tradisyon kasabay ng patuloy na pagtalos ng pagbabago dulot ng modernisasyon. Marami ang pasikot-sikot sa lokalidad, at sa bawat aspektong mahaharap ay nakakagulat nalamang ang mapapagtanto.












